Dalawang taon na nang ibinalik ni Sir Calasanz itong test paper na ‘to sa akin. Bumagsak ako sa unang long test, at ito ang pangalawa…tipong last chance para maisalba pa ang grade ko sa klase niya at makagraduate. 

Proslogion at White Ecstasy ang coverage ng exam. Isang tinatalakay ang malalim na pananampalataya at pagnanasang manampalataya, at isang isinasalaysay ang pag-uwi sa kaalaman ng isang karanasang relihiyosong di pa man nararanasan ay natapos na…pagkat hindi nakapagsimula. 

Dati, akala ko, sinasalamin ng unang akda ang buhay at disposisyon ko. Ngunit sa ngayon, mukhang mas akma ang ikalawa: sa ganang akin, alam ko na lahat. Sanay na ako sa Diyos. Wala nang ihihigit pa, Siyang yaong Walang Maisip Na Makahihigit. 

Arogante na ako…minamaliit ko na ang kakayahan Niyang gulatin ako, sorpresahin…sindakin. Sanay na kasi ako…alam ko na kasi kung anong meron, iyon ang tingin ko.

Binasa ko ulit itong test paper ko. Binalikan ang mahahabang talatang isinulat sa Filipino…na ngayon, di na ako sanay na basahin. May isang bahaging tumatak sa akin, sa muli kong pagbasa:

“Mapapansin sa kanyang (tumutukoy sa mongheng si Simon ng White Ecstasy)pagtalakay na walang paggalaw mula sa kaalaman. Bagama’t binabanggit niyang nais niya ring maranasang ganap na balutin ng Liwanag, umiikot sa kaalaman ang kanyang pagpapahayag. Hindi nakikitaan ng pagsasaibayo ng pagnanais na makilala ang karanasan. Kumbaga, nakontento na sa nababasa niyang kuwento ng iba. Nakontento na siya sa, “ito na ‘yon”. ”

Hindi ko na natatandaang sinulat ko ‘to sa exam. Sa aking muling pagbasa, nasorpresa ako. May bagong nakita, na di naman talaga bago. Nakaligtaan lang. At marahil, nakaligtaan ko ring isiping laging may bago sa Diyos. Nakakatawa, hindi ba? Hindi Siya nagbabago, ngunit lagi Siyang may handog na bago. 

Nakalimutan ko na. Medyo namanhid na rin ako kaya di na nagugulat, di na nasosorpresa…at madalas, di na rin nagagalak. Sakto na lang. Ito na ‘yo. Tumigil na sa ganoong mga pahayag at pag-iisip. 

Dalawang taon na mula noong ibinalik ito ni Sir Calasanz. Isa iyon sa mga pinakamasasayang araw ng buhay ko. B+, matapos ng F. 

Dalawang taon mula noon, heto ako. Naaalalang oo nga pala, pwede pa rin parang maka-B+ pagkatapos magkaroon ng F. Maaari pa rin palang makaranas ng bago kahit lubog ka na sa nakasanayan. Maaari pa rin palang masorpresa…kahit alam na alam mo na.

Maaari…dahil Diyos Siya. 🙂 Ano ba naman iyon sa Kanya? At oo…maaari mo Siyang makaligtaan…ngunit tulad ng lagi, maaari mo Siyang balik-balikan…hanggang sa wakas, Siya ang iyong pipiliing uwian. 

Happy anniversary sa araw na ibinalik ang long test. At salamat sa araw na kahit paano, bumalik ang sorpresa at ang galak. 🙂

Bukas ulit, ha? At sa mga susunod pang araw.

Advertisements